Ang hirap talaga kapag sarili na ang kalaban. Kahit anong sabihin at gawin parang wala kang laban. Kung minsan pa nga nasa harap mo na ang sagot ayaw mo pang paniwalaan.Nakikita na ang katotohanan pilit mo paring iniwasan. Mas pinapakinggan ang bulong ng puso at pilit itinatanggi ang laman ng isipan.
Sabi nila, "Kung ukol bubukol" at "Kung kayo, kayo talaga." Kung hindi naman daw kahit anong pilit wala talagang mangyayari kaya kalimutan nalang. Pero paano mo kakalimutan ang taong nagpapangiti sa'yo sa umaga, ang nagbibigay kulay sa malungkot mong buhay? Para bang sa tuwing sasabihing "WALA NA, KALIMUTAN MO NA!" ay sinasabing "TAMA NA, HUWAG KA NANG HUMINGA!"
Mas madali sana ang lahat kung pagkakataon o panahon lang ang problema. Pero paano kung yung tao mismo ang problema? S'ya na tumigil sa paniniwala at bumitiw na. Bawat segundong wala s'ya sa tabi mo para kang sinusugatan. Bawat minuto ay para bang paulit-ulit kang sinasaktan. Sa bawat oras na lumilipas ay unti-unti kang inaalisan ng katinuan. Sino nga ba ang dapat sisihin? S'ya na maagang nagising sa katotohanan o ikaw na nag-papakatanga at nagbubulag-bulagan?
Masakit? OO NAMAN! Mahirap? SOBRA! Pero ano pa nga ba ang magagawa kundi ang tanggapin ang katotohanan. Dahil patuloy ang buhay anuman ang mangyari.
No comments:
Post a Comment